Monday, June 29, 2015

Mga Pigtal Na Dahon Ng Lumang Diary 2

20 January 1995
9:15 P.M.

Dapat natutulog na ako dahil 1:00 A.M. ang reporting time ko pero hindi ako makatulog. Ikaw ang iniisip ko. Naiisip ko kung kumusta ka sa mga oras na ito. Kung nag-e-enjoy ka ba sa college ball n'yo. Ini-imagine ko ngayon ang itsura mo. Sa imahinasyon ko, lalo akong nai-in love sa'yo. Sana I could see you right now. Alam ko na napaka-importante sa'yo ng araw na ito and how i wish na sana I could be there with you. 

Actually, parang hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman ko ngayon. Parang nafu-frustrate ako... na nalulungkot... na nag-aalala. I know, I have disappointed you dahil hindi ko matutupad ang promise ko na makipagkita sa'yo pagkatapos ng ball n'yo. Naipaliwanag ko na sa'yo kung bakit. Pero nalulungkot pa rin ako dahil kahit gustung-gusto ko, hinahadlangan ako ng pagkakataon to be with you. Deep inside, naiinis at nagrerebelde ako kung bakit may mga gusto akong gawin na hindi ko magawa dahil kinokontrol ako ng mga sitwasyon. Kung nalungkot ka nang sabihin ko sa'yong hindi ako puwede, higit akong nalungkot kung bakit hindi kita mapagbibigyan. Gusto kong higit na pasayahin ka sa araw na ito, pero pinipigil ako ng mga responsibilidad ko. Gayunpaman, muli akong nagso-sorry sa'yo. Sa kabila ng sama ng loob na naidulot ko sa'yo, umaasa pa rin ako na sana naiintindihan mo. Anyway, I hope you're having a great time dahil kung masaya ka sa mga sandaling ito, masaya na rin ako.

Alam ko na minsan ay nagdaramdam ka sa kakulangan ng pagiging expressive ko. Please forgive me. Hindi ito nangangahulugan na nababawasan ang pagmamahal ko sa'yo. Mahal na mahal kita. Habang tumatagal tayo ay lalong nadaragdagan ang pagmamahal ko sa'yo. Kung hindi ko man nasasabi at naipadarama sa'yo, iyon ay sa dahilang alam mo naman na marami akong pinagdaraanan ngayon. Minsan tinatalo ako ng mga alalahanin. Madalas nagiging abala ako sa pagharap sa mga ito. Malaki ang pasasalamat ko na nandiyan ka... na bahagi ka ng buhay ko. Pinalalakas mo ako by just being there. Matatapos din ang mga problemang kinakaharap ko. Pagpasensyahan mo na muna ako sa mga pagkukulang ko. By next month, I promise, babawi ako.

   

Friday, June 26, 2015

Mga Pigtal Na Dahon Ng Lumang Diary

16 November 1994
9:30 P.M.

Naiisip kita. Ewan ko ba pero parang hindi sapat ang 24 hours na kasama kita. Katulad ngayon, mahigit 12 hours pa lamang ang nakalilipas mula nang tayo ay maghiwalay, miss na miss na kita. I slept the whole day at paggising ko, ikaw kaagad ang laman ng isip ko.

Nagpunta ako sa Baclaran para ipa-recopy ang pictures natin. Kailangan ko itong gawin upang kahit sa pagtingin-tingin man lang sa mga litrato ay mabawasan ang lungkot ko. At ngayon nga, habang sinusulat ko ito, nakalatag sa harap ko ang mga litrato na hinding-hindi ko yata pagsasawaang tingnan lalo na ang mga solo mo.

Nagsimba na rin ako. Ang lungkot palang magsimba kung hindi kita kasama. Marami akong ipinagdasal. Ipinagdasal ko na sana maging successful ka sa lahat ng endeavors mo (lalong-lalo na ngayon sa thesis mo at sa mga responsibilidad mo sa org)... na sana lagi kang bantayan at alagaan ni God sa araw-araw. Ipinagdasal ko rin na sana maging forever na tayo ("habang may buhay," sabi nga sa paborito nating kanta)... na sana ay walang magbago. I also prayed for strength para sa ating dalawa... na higit niya tayong patatagin bilang mga tao upang higit nating mapatatag ang ating relasyon.

I thanked the Lord for my blessings. I thanked the Lord for you because you are my greatest blessing! Salamat. Dahil sa'yo muli akong naging malapit sa kanya.

***

17 November 1994
9:05 P.M.

Paulit-ulit kong pinakikinggan ngayon ang "Promise Me" at siyempre, ikaw ang iniisip ko. Pakiramdam ko, ang hindi natin pagkikita sa susunod na sampung araw ay parang pag-alis ko na rin at wala akong ibang hinihiling sa'yo kundi ang mangako ka na hihintayin mo ako, "I'll be home soon."

Kapag ganitong gabi at nag-iisa ako, higit na matindi ang pagka-miss ko sa'yo. How I wish na sana nandito ka. Nagkukuwentuhan tayo... nagbibiruan... nagtatawanan... nakikinig sa music. Kapag kasama kita, pakiramdam ko, ang panatag ng kalooban ko. Nawawalang lahat ang pagod ko, ang mga fears at worries ko. Parang ang gaan at ang saya ng mundo. Parang kung may darating man na problema, kayang-kaya ko dahil nandiyan ka.

Sabi mo, matatag ako. Pero higit akong pinatatatag ng pagmamahal mo. Sa mga sandaling pinanghihinaan ako, maisip lang kita, lumalakas na uli ako.

Thank you for loving me.

Saturday, June 13, 2015

Init


Kaytagal kong nanabik sa halik kaya nang ilapit mo ang iyong bibig, ako ay napapikit. Nang maglapat ang ating mga labi, ako ay nangilig; tila nawala sa sariling bait.

Dama ko ang singaw ng iyong katawan. Langhap ko ang pabango mong CK One. Nang dumampi ang iyong palad at naglakbay sa aking kabuuan, para akong posporong nagsindi, sumirit sa init ng pagkakadarang.

Subalit ang lahat ng ito’y panandalian lamang, saglit na pagpapatangay sa bugso ng kapusukan. Pagkaraang mairaos ang pagnanasa at mahimasmasan, ang pagtatapos ng gabi ay naging pagtatapos din ng kahibangan.

Ni hindi ko nakuha ang iyong pangalan.

Sunday, June 7, 2015

Note To Self


Ayoko nang magtanong kung bakit. May mga dumarating sa buhay na mahirap intindihin. Basta’t ako’y tanggap na lang nang tanggap at ang mga ito’y aking hinaharap. Anuman ang pinagdaraanan, ang mahalaga’y lagi kang palaban. Ang bawat pagsubok ay malalampasan basta’t maniwala ka lamang sa iyong kakayahan. Huwag magpatalo sa takot o kahinaan, sa halip ay magkaroon ng tapang at positibong kaisipan. Ang bawat suliranin ay mayroong kalutasan. Huwag susuko, huwag titigil. Humugot ng lakas sa iyong layunin, ng inspirasyon sa kung ano man ang nais abutin.